Ikaw ang hari ng Olympus,
Panginoon ng mga mortal at busabos.
Pagsamba ng lahat, sa iyo gigugugol
Habang ika'y nakaluklok sa tronong ginto at marmol.
Ika'y bumaba sa iyong trono
At nagpasyang dalawin mga mortal na tao.
Kaligayahan ko'y di kayang sukatin
Nang tahanan ko ang iyong piliin.
Pagdating mo'y isang kapistahan,
Sinalubong ka ng sayawan at kantahan.
Ngunit dahil ako'y walang pulot at ambrosia,
Puso ko ang ihinain sa mesa.
Subalit tila ika'y nainsulto
At nagalit sa kapangahasan ko.
Nais ko lamang namang ika'y pasayahin
Ngunit aking alay, basura ang 'yong tingin.
Kaya ngayon, sa Tartarus ako'y nagdurusa.
Tubig at prutas na sa aki'y umaanyaya,
Lumalayo sa tuwing aabutin,
Tulad ng pag-ibig mong ipinagkait sa akin.
No comments:
Post a Comment